Wednesday, August 18, 2010

NCMH Rotation

Ngayong Linggo, naka-assign kami sa isang special area -- National Center for Mental Health. Hindi ko pwedeng i-detalye ang mga pangyayari. Pero ang masasabi ko lang, hindi ko makakalimutan ang tatlong araw ko dito. Sobrang nakakataba ng puso, at nakakatuwang makasama ang mga pasyenteng tulad nila. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil marami akong napulot na aral. Salamat sa clinical instructor namin na si Ms. Mallari. Hindi niya lang kami tinuruan sa akademya, ngunit pati na rin sa buhay. Hindi ko makakalimutan ang isang linyang sinabi niya, "Talagang maraming kasalanan. Pero marami rin ang pagpapatawad Niya sa atin." Labis-labis ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Kahit hindi tayo karapat-dapat, ninais Niyang mamatay para sa atin upang tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan. Mabuti pang mamuhay isang araw kapiling Niya, kaysa mabuhay ng ilang libong taon ngunit malayo sa Kanya.

Si patient "M," walang naka-aalam kung saan siya nanggaling. Dumating siya sa NCMH nung 1993. Ngayon, siya'y 45 taong gulang na, ngunit ang banggit niya'y 10 taong gulang pa lamang siya. Lumaki siyang walang kinikilalang magulang o kapatid. Walang maalala sa buhay niya sa labas ng maliit na mundong ginagalawan niya ngayon. Nang tanungin ko siya kung anong gusto niyang i-kwento sa akin. Ang sabi niya, "Mahirap ba mag-nursing? Mahirap ba mag-aral? Gusto ko mag-aral. Ilang taon ba ang kindergarten? Tatanggapin kaya nila ako paglabas ko dito kahit matanda na ako?" Pinipigilan kong mangilid ang luha ko dahil hindi ko siya masagot. Hindi ko alam kung mangyayari pa ba ang mga kahilingan niya, kung mababalik pa ba sa normal ang buhay niya. Umiiyak ako sa loob ko habang ang puso ko'y nagsusumamo sa Diyos na ipagkaloob Niyang masumpungan ni "M" ang Kanyang wagas na pagmamahal at ang buhay na walang hanggan.

Nang dumating ang pagkakataong kailangan na naming mamaalam, nagpasalamat sa akin si "M." Nagwika siyang naging masaya siya at paborito niya ang lahat ng activities na ginawa namin. Ayoko pang umalis. Parang kulang ang tatlong araw para makilala kong lubos si "M." Gayunpaman, ang tatlong araw na yon ay hindi mapapantayan ng anumang halaga. Nagpasalamat ako kay "M." Sa dami ng gusto kong sabihin, "salamat" na lang ang nasabi ko. Hindi na niya maiintindihan kung iisa-isahin ko ang mga dahilan. Ang alam ko lang, labis-labis ang pasasalamat sa puso ko, at pakiramdam ko'y ang mga sandaling nakasama ko siya ay itinakda ng Diyos. Maaaring iyon na ang huling pagkikita namin dito sa mundong ibabaw. Pero dasal ko at pagsusumamo sa Panginoon, sana doon, sana doon sa buhay na walang hanggan. Kung saan wala nang kalungkutan, walang sakit, walang pighati. Sana makita ko siya. At sana makausap ko siya bilang siya. Sana silang lahat... Sana... Panginoon, sana po...

No comments:

Post a Comment